Binisita ni DepEd Undersecretary for Administration, Atty. Michel Kristian Ablan ang Candon National High School (CNHS) noong Disyembre 1, 2022, particular ang napinsalang gusali ng PAGCOR dulot ng 7.0 magnitude na lindol noong Hulyo na tumama sa Hilagang Luzon.
PAGSUSURI. Bumisita si USEC Atty. Michael Kristian Ablan noong ika-1 ng Disyembre, 2022 sa CNHS upang siyasatin ang mga silid-aralan sa PAGCOR building na naapektuhan ng lindol. (Kuha ni Daniel Amanbert Galut)
Nagsagawa ng inspeksiyon si Usec Ablan sa nasirang gusali at nagmungkahing palitan ng bagong gusali ang gusali ng PAGCOR.
Bilang pagsuporta sa mungkahi ni Usec Ablan, sinabi rin nina Engr. Florante Galang, Incident Commander at Engr. Ron Jacob Fontanilla na ang gusali ay hidi ‘fit’ para sa retrofitting dahil hindi na ito ligtas na gamitin.
Pinagbatayan ng nasabing desisyon ang ginawang masusing pasususri ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Education (DepED), Candon City Engineering Office at Schools Division of Candon City Engineering Office kung saan ay napag-alaman na malawak ang natamong pinsala ng pundasyon ng gusali.
Ayon kay Alejandro Haboc Jr., Principal III ng CNHS, plano ng DepEd na magpatayo ng apat na palapag na bagong gusali mula sa kinatitirikan ng gusali ng PAGCOR at ito ay magkakaroon ng limang silid-aralan kada palapag.
Kukuhanin ng DepEd ang pondo sa pagpapatayo ng bagong gusali mula sa Quick Respond Fund (QRF) sa ilalim ng Disaster Risk Reduction Management.
Inaasahang gagamitin ng mga mag-aaral at guro ng Senior High School (SHS) Department ang bagong gusali sakaling ito ay matapos.
Samantala, wala pang eksaktong araw kung kailan ito gigibain dahil tinataya at ikokonsidera pa ang mga maapektuhang kabahayan at mga estrakturang nakapaligid dito.