Ang Tinig Nameplate

Kalinga ng Suporta. Malugod na sinuportahan ng mga kapwa Grade 10 ng Red Royales ang kanilang koponan sa bawat laro ng kanilang mga atleta. (Kuha ni Josephine Gironella)


Matapos ang ilang taong pagkansela ng Intramurals dulot ng COVID-19, muling idinaos ng Candon National High School ang Intramurals na may temang “Leveling-up Athleticism through Recreational Opportunities” na kung saan ay muli itong pinagdominahan ng Grade 10 Red Royales na ginanap noong Disyembre 5-9, 2022.

Anim na koponan ang nagpasiklaban sa iba’t ibang palakasan mula sa junior high school na kinabibilangan ng Grade 7 Green Archers, Grade 8 Golden Dragons, Grade 9 Mighty Jaguars, at Grade 10 Red Royales, at mula sa senior high school na kinabibilangan ng Grade 11 Blazing Alpha, at Grade 12 Supreme Omega.

Buong tapang na ipinamalas ng Grade 9 Mighty Jaguars ang kanilang angking lakas sa palakasan matapos makamit ang 10 na ginto, 12 na pilak, at 16 na tansong medalya na siyang nag-udyok sa Grade 9 Mighty Jaguars na masungkit ang ikatlong puwesto.

Hindi naman nagpahuli ang kinatatakutang Grade 12 Supreme Omega sa larangan ng palakasan at talento ang kanilang naging puhunan upang mapasakamay ang 16 na ginto, 12 na pilak, at 5 na tansong medalya na siyang nagbigay daan upang kanilang maibulsa ang ikalawang puwesto.

Ibinida rin ng bawat koponan ang kani-kanilang taglay na flexibility sa pamamagitan ng masigla at aktibong pagsasayaw ng zumba. Gayunpaman, ang pag-indayog at pag-kembot ng Grade 12 Supreme Omega ang siyang nangibabaw sa nasabing kompetisyon.

Sa edisyong ito, naungusan ng Grade 10 Red Royales ang kanilang matitinding kalaban na Grade 11 Blazing Alpha at Grade 12 Supreme Omega matapos magapi ang 19 na ginto, 15 na pilak, at 8 na tansong medalya. Buong tapang at lakas na nakipagpasiklaban ang Grade 10 Red Royales at hindi nila pinagbigyan ang kanilang mga katunggali sa anumang palakasan. Sa huli ay napag-harian at itinanghal na ‘Overall Champion’ ng 2022 Intramurals ang Grade 10 Red Royales.

Bigo mang makakuha ng puwesto ang Grade 7 Green Archers, sinigurado naman nilang mapanatili ang kanilang titulo na ‘Best in Yell’ sa kompetisyon.

Ipinagdiriwang ang Intramurals taon-taon nang sa gayon ay mahasa ang kaalaman at kakayahan ng mga mag-aaral patungkol sa larangan ng palakasan. Dagdag pa rito ay inilalabas ng Intramurals ang buong potensyal ng mga mag-aaral na maging isang ganap na atleta sa larangan na nais nilang pasukan.