Nakasaad sa Deped Order No. 49, s. 2022, na ang mga guro at ibang manggagawa na kabilang sa Department of Education (DepEd) ay kinakailangang maging propesyonal sa kanilang mga trabaho at panatilihin kung hanggang saan lamang ang limitasyon nila sa kanilang mga mag-aaral.
Naging mainit na usapin ang nilalaman ng kautusang ito dahil nalilimita umano ang interaksiyon ng mga guro sa mga estudyante at nalalabag ang kalayaan ng mga guro na magpahayag ng kanilang mga saloobin.
Ayon sa tagapagsalita ng DepEd, Michael Poa, “DO. 49 was issued for two purposes, one is to depoliticize DepEd and second is to promote professionalism amongst our personnel”. Layunin nitong tanggalin ang pakikisangkot ng ibang mga ahensya sa DepEd sa mga gawain na nakapaloob dito at ipalaganap ang kahusayan sa pagtuturo na naaayon sa sinumpaan nilang trabaho.
Binuo rin ito para mabigyang kahalagahan ang Republic Act No.6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials. Nakapaloob dito na ang mga pampublikong manggagawa ay kailangang igalang ang karapatan ng bawat isa nang mayroong responsibilidad, integridad, at naaayon sa batas ng bansa.
Nakasaad sa unang polisiya ng DepEd Order No. 49 ang hindi pagkiling sa mga gawaing nahahaluan ng politika. Kasama na rito ang pagtanggi na humingi ng suporta, rekomendasyon, konsiderasyon, o anumang uri ng pangingialam ng mga hindi kawani ng DepEd; pag-iwas na humingi ng tulong sa mga politiko para maipatupad ang mga programa, proyekto o mga gawain maliban na lamang kung ito ay sakop ng Adopt-A-School program o ibang mga katuwang na ahensya ng DepEd; at pagtigil na humingi ng tulong sa mga third party sa mga gawaing nagtatakada ng isang kilusan.
Dagdag pa rito ang pagsunod sa mga kautusan ukol sa tamang komunikasyon, pagsusulat, at ibang pamamaraan ng pagtuturo; at paglahad ng mga hinaing ng mga guro direkta sa may kinauukulan sa halip na sa ibang mga pribado o pampublikong mga ahensya ng bansa.
Ang pangalawang polisiya ay tumatalakay sa tamang pag-uugali at pakikitungo ng mga guro sa kanilang mga estudyante. Nakapaloob dito ang nararapat na pakikitungo ng mga guro sa kanyang mga estudyante at kapwa guro; pagrespeto sa karapatan ng bawat isa; at paglilingkod sa trabaho nang maagap, magalang, at walang pinapanigan. Gayundin ang pag-iwas sa mga gawaing maaaring makasisira sa isang tao; paglimita ng interaksyon at pag-uusap sa mga estudynte kasama na ang pagsubaybay sa kanilang mga social media accounts maliban na lamang kung sila ang magkamag-anak; at pagtitigil sa mga kilusan na maaaring makasira sa integridad ng bansa.
Ang ikatlong polisiya ay nagtatakda sa kung paano ang nararapat na paggamit ng mga guro sa social media. Nakapaloob dito ang hindi pagpapakalat ng mga maling impormasyon; maging ang paninira sa kapwa guro sa pamamagitan ng social media; at pagtalima sa reputasyon at prinsipyo ng organisasyon sa paggamit ng teknolohiya.
Samantala, ang pang- apat na polisiya ay nagsasaad na gamitin lamang ang naibigay na DepEd email address sa mga gawaing mayroong kinalaman sa kanilang trabaho at hindi dapat gamitin sa mga personal na interes.
Pagtatanggol naman ng DepEd, “Dapat as a teacher, mayroon talagang line between him or her and the learner. Dapat hindi sila magkaroon ng friendly relations with their learners outside the learning institution setting,” ani Bise Presidente at DepEd Secretary, Sara Duterte. Ang pagkakaroon daw ng ugnayan ng guro at kanyang mga estudyante sa labas ng paaralan ay kalimitang nagreresulta ng mga gawaing labag sa konstitusyon tulad ng sexual harassments, sexual grooming, at sexual exploitation.
Ayon naman kay ACT Teachers Party list Representative, France Castro, nakakaalarma umano ang D.O. 49 ng DepEd dahil bumubusal ito sa karapatan ng mga guro, online man o offline.
Bukod pa rito, kumikitil din ito sa kalayaan ng mga guro sa pagpapahayag dahil tila ginagawa silang robot ng pamahalaan. Depensa naman ni Poa, “There is no specific trigger in the issuance of the order. In fact, the DO refers to what we call republic Act 6713.” Pagpapaliwanag niya, ang polisiyang nabuo ay tumatalima lamang sa umiiral na batas sa tamang pag-uugali bilang isang pampublikong manggagawa. Hindi rin ito para pigilan silang magkaroon ng interaksyon sa kanilang mga estudyante kundi maging mabuting ehemplo sila, online man o offline.
Hindi maikakailang mapalapit ang isang guro sa kanyang mga estudyante. Subalit, ang labis nilang pagiging malapit ay minsan hahantong na sa nababastos ang guro o hindi kaya ay namamanipula na ng guro ang kanyang estudyante. Kaya ang kautusan na ito ay nagsisilbing paalala na magtakda ng linya sa kanilang mga estudyante. Nakatutulong din ang mga polisiyang nabuo para mapagbuti ang kalidad ng propesyonalismo sa mga guro lalo na sa pagtuturo.
Itinuturing ang mga guro bilang pangalawang magulang ng mga estudyante. Sila ang nagsisilbing gabay ng mga bata sa labas ng kanilang mga tahanan, humuhubog sa kanilang kamalayan sa mundo, at sandigan nila tungo sa magandang kinabukasan.
Subalit, hindi kaya mawala ang kalidad ng pagtuturo kung malilimitahan na ang interaksyon ng mga guro sa kanilang mga estudyante gayong ang internet ang pangunahing midyum ng interaksyon sa panahon ng pandemya?
Malaki ang gampaning ginagamit ang internet para magbigay ang mga guro ng mga gawain kaya mahalagang nakasubaybay sila sa kanilang mga mag-aaral.